Resource
Paano gumawa ng website
Para man ito sa pagbabahagi ng iyong hilig, paggawa ng komunidad, o pag-promote ng negosyo mo, maraming dahilan kung bakit posibleng kailanganin mo ng iyong sariling website.
Posibleng iniisip mo na kung ano ang puwedeng maging hitsura nito, at ang mga uri ng mga feature at content na gusto mong ipakita.
Pero bago mo ito pasukin, tingnan natin ang ilan sa mga kasamang pangunahing hakbang, paano magsimula, at magkano ang gagastusin para maging tunay ang iyong adhikain.
Magsimula sa pamamagitan ng pagtatakda ng iyong layunin
Ano ang pangunahing layunin ng iyong website? Kung pangunahin itong pam-blog, lubos nitong maiimpluwensyahan ang uri ng layout at navigation na gugustuhin mo. O kung plano mong gamitin ito para magbenta ng mga produkto o serbisyo, kakailanganin mo ng bagay na secure, simpleng i-navigate, at madaling i-update sa bagong imbentaryo.
Maingat na magbadyet
Nasa zero hanggang libo-libo ang mga presyo para sa paggawa ng website. Nakadepende talaga ito sa uri ng site na gusto mo, at kung ano ang plano mong maabot dito.
Kung gusto mo ng simpleng blogging site, maraming libreng tool at opsyong mapagpipilian. Marami ang simple at madaling gamitin, kaya hindi mo kakailanganin ng anumang karanasan sa pagdidisenyo o pag-code. Pinakamaganda rito, mabilis kang makakapagsimula sa iyong site, isa pa, hindi mo kakailanganing gumastos ng pera para sa sarili mong designer o developer ng website.
Piliin ang tamang platform ng website
Karamihan sa mga tao ay walang oras o kaalaman sa paggawa ng sariling website mula sa simula – at dito nakakatulong ang mga tagabuo ng website. Gagawin para sa iyo ang lahat ng pag-code, kaya ang kailangan mo lang ay pumili ng template, pagkatapos ay i-customize ito gamit ang sarili mong text, mga larawan, at mga huling pag-aayos.
Malamang na ang pinakamahirap na bahagi ng paggamit ng tagabuo ng website ay ang pagpapasya kung alin ang pipiliin. May daan-daang provider sa mundo, at sa isang tingin, mukhang nag-aalok ang lahat ng ito ng pare-pareho o halos magkakatulad na serbisyo.
Bago pumili ng provider, tanungin muna ang iyong sarili:
- Mayroon ba itong secure na URL o opsyong magdagdag ng isa pa sa ibang pagkakataon?
- Madali ba itong gamitin?
- Madali mo ba itong maku-customize sa mga pangangailangan mo?
- Magkano ito? Isang beses lang ba ito babayaran o may buwanan ba itong bayarin?
- Marami bang template na mapagpipilian?
- May inaalok ba silang tech support? Libre ba ito? Sa pamamagitan ba ito ng email, telepono, o chatbot?
- Nag-aalok ba ang mga ito ng mga plugin o extension, tulad ng video o pagkuha ng mga pag-sign up sa newsletter?
Muli, marami ang nakadepende sa kung para saan mo gustong gamitin ang iyong site. Puwedeng maging kapaki-pakinabang ang mga tool gaya ng Google Blogger, at papipiliin ka nito sa iba't ibang template at istilo ng disensyo. Mayroon ding Google Sites, na posibleng maging magandang paraan para mag-promote ng maliit na negosyo, event, o magpakita ng portfolio ng trabaho. May higit pang impormasyon sa mabilisang gabay na ito, at tutulungan ka nitong gumawa ng desisyong nakabatay sa impormasyon.
I-set up ang iyong domain name
Sa pamamagitan ng marami sa mga libreng tool ng tagabuo ng website, makakagawa ka ng simpleng blog nang hindi gumagastos ng pera sa sarili mong domain name. Kung seryoso ka sa pagba-blog, o kung para sa negosyo ang iyong website, baka mas gusto mo ng website na mas naka-customize at natatangi sa kung ano ang inaalok mo.
Kakailanganin mo ring pag-isipan kung ano ang gagamiting top-level na domain (TLD). Halimbawa, kung nakatuon ang iyong website sa isang partikular na rehiyon o bansa, puwede kang gumamit ng .uk, .fr, .de, at iba pa. O kung mas pandaigdigan ito, puwedeng .com na address ang gamitin mo.
Iba pang bagay na dapat isaalang-alang kapag pumipili ng TLD:
- Bantayan ang tumataas na gastusin. May ilang provider na nag-aalok ng mga rate na may diskwento sa simula, pagkatapos ay tataasan ang mga ito sa katagalan.
- Tiyaking hindi pa naka-trademark ang iyong domain name. Kung nilalabag ng iyong pangalan ang copyright ng ibang brand, baka mapuwersa kang palitan ito, at magbayad ng mga legal na bayarin sa huli. Higit pang impormasyon tungkol doon dito.
- Panatilihing ligtas ang iyong personal na impormasyon. Kapag nag-sign up ka para sa domain, kakailanganin mong ibigay ang iyong mga detalye sa ICANN – na madaling maa-access ng mga spammer at scammer. Bagama't puwede mong piliing gawing pribado ang iyong mga detalye, may ilang registrar na naniningil para sa serbisyong ito, kaya tiyaking alamin muna.
Puwedeng maging magandang lugar ang Google Domains para magsimula sa pagpili ng iyong domain name. Mabilis nitong ipinapakita kung anong available, magkano ito, at tinutukoy pa nga nito ang mga bentahe at potensyal na isyu – halimbawa, kung mahirap itong bigkasin o may katunog itong iba.
Paggawa ng iyong content
Pinili mo ang iyong platform, pinlano mo ang iyong disenyo, at ngayon, oras na para sa nakakasabik na bahagi, paggawa ng content na magugustuhan ng audience mo. Muli, makakatulong sa iyo ang pagsunod sa ilang basic na prinsipyo na makatipid ng oras at pera, at mahikayat ang iyong mga bisita na magpabalik-balik para sa higit pa.
Subukan ang mga nangungunang tip na ito.
- Ang Google Trends ay isang kapaki-pakinabang na paraan para makita kung ano ang hinahanap ng mga tao, at kung paano nagbabago ang kasikatan ng ilang partikular na salita o parirala. Puwede mo ring sukatin ang interes sa iyong content mula sa iba't ibang rehiyon, at magtukoy ng mga potensyal na bagong audience sa buong mundo. Huwag kalimutan, puwede mong gamitin ang iyong mga platform ng social media o iba pang grupo ng online na komunidad para magsagawa ng mga poll at alamin kung ano ang trending o pasikat.
- Kahit bago ka pa magsimulang bumuo ng content, pagpasyahan kung gaano kadalas magpa-publish – at panindigan ito. Tandaan, palaging mas mahalaga ang kalidad kasya sa dami.
- Huwag kalimutan, hindi pare-pareho ang gusto ng lahat sa pagkonsumo ng content. May ilang mas gusto ng diretsong text, may iba namang mas nasisiyahan sa bilis ng mga infographic o dali ng video. Sa paglipas ng panahon, matututunan mo kung ano ang pinakanaaangkop.
- Kapag nagsimula ka nang mag-publish ng content, gugustuhin mong malaman kung saan nagmumula ang iyong mga bisita, paano ka nila nahahanap, at kung aling mga page ang pinakanakakakuha ng atensyon. Isang paraan para magawa mo iyon ay sa pamamagitan ng paggamit ng Google Analytics, na puwede mong direktang i-link sa iyong blog para sa mga real-time na resulta.
- Nagbibigay ang gabay na ito ng higit pang tool at tip sa paggawa ng content para sa iyong mga bisita, pati na rin ng mga kuwento ng tagumpay na nakakapagbigay ng inspirasyon mula sa buong mundo.
Ang pagkakaroon ng sarili mong website ay posibleng maging isang nakakatuwa at kasiya-siyang paraan para kumonekta sa iyong audience, at abutin ang mga sarili o komersyal mong layunin. Makakatulong sa iyo ang paggamit ng mga tool at tip sa gabay na ito na magsimula at makaiwas sa mga magastos na pagkakamali, at puwede mo ring gamitin ang aming resource center para mag-explore ng mga paraan para i-monetize ang iyong online presence at pinuhin ang karanasan ng user mo.