Resource
Paano kumita sa mula sa pagba-blog
May ilang paraan para ma-monetize ang isang blog. Tumuklas ng iba't ibang modelo ng online na kita at mga sikat na diskarte para kumita sa iyong blog.
Kung mayroon kang blog o site – o kung pinag-iisipan mong gumawa nito – hindi pa huli ang lahat para mapagkakitaan mo ito. May ilang paraan para ma-monetize ang isang blog. Tinatalakay sa artikulong ito ang iba't ibang modelo ng online na kita at sikat na diskarte sa pag-monetize sa digital na content.
Magsimula tayo sa mga basic. Ano ang pag-monetize? Sa madaling salita, pag-monetize ang tawag kapag pinagkakitaan mo ang iyong site. Kapag kumita ka mula sa online na content sa iyong blog, iyon ay pag-monetize.
Para magsimulang kumita mula sa iyong blog, may ilang modelo ng online na negosyo:
- Mga Ad
- Affiliate marketing
- Mga alok na pisikal o digital na produkto
- Mga Subscription
- Pagtuturo
Ano ang puwede mong gawin para maging epektibo ang mga ito para sa iyo at sa blog mo? Tingnan natin nang mas mabuti ang bawat modelo ng pag-monetize.
Pag-monetize sa mga ad: Mag-alok ng pag-advertise sa iyong blog para kumita
Bilang publisher ng isang blog, ang pag-advertise ay puwedeng pagmulan ng magandang stream ng kita para sa iyong online na content. Handang magbayad ang mga advertiser para makakuha ng exposure sa iyong audience. Katulad ng kakayahan ng mga dyaryong may malawak na distribusyon na maningil ng mas malaki sa mga advertiser, mas lalaki rin ang kikitain mo habang mas sumisikat ang iyong site.
Puwede kang direktang mag-alok ng espasyo para sa pag-advertise sa iyong site sa mga negosyong gustong lumabas sa content mo. Ang tawag doon ay direktang deal. Puwede ka ring gumamit ng ad network – tulad ng Google AdSense – para ibenta ang iyong espasyo para sa ad sa ngalan mo.
Gumagana ang AdSense sa pamamagitan ng paghahatid ng mga ad na may kaugnayan sa content na makikita sa isang partikular na page ng iyong blog. Halimbawa, kung ang iyong blog ay tungkol sa pakikipagsapalarang paglalakbay at kaka-upload mo pa lang ng post tungkol sa biyahe mo sa Rekyavik, puwedeng magpalabas ang AdSense ng ad tungkol sa insurance sa pagbiyahe, Iceland, o damit na panlamig. Bilang may-ari ng site kung saan lumalabas ang ad, babayaran ka ng AdSense kapag may user na tumingin o nakipag-ugnayan sa isang ad.
Sa kakayahang gawing nauugnay ang mga online na ad sa content at mga mambabasa ng blog mo, maraming advertiser ang interesadong magbayad ng premium na halaga para sa iyong espasyo para sa ad.
Affiliate marketing: Kumita sa pamamagitan ng mga inirerekomendang produkto
Kapag naglagay ka sa iyong content ng link sa isang produkto o sebisyong ibinebenta sa ibang site, tinatawag itong affiliate marketing. Ganito ito gumagana: kapag may nag-click sa link sa iyong site, pumunta sa site ng affiliate, at bumili ng produktong ineendorso mo, kikita ka ng komisyon sa benta.
Para sa mga blog na may nakatutok na audience na kinabibilangan ng mga taong interesado sa mga inirerekomendang produkto, puwede itong maging isang matagumpay na modelo ng kita. Ang mga artikulong nagbibigay ng impormasyon, nagtuturo kung paano gawin ang isang bagay, o tungkol sa lifestyle ay nag-aalok ng maraming oportunidad para sa pag-promote ng mga produkto ng affiliate.
Gamit ulit ang halimbawang blog tungkol sa pakikipagsapalarang paglalakbay, sabihin nating nag-post ka ng kuwento tungkol sa iyong paglilibot sa mga liblib na lugar kung saan puwedeng lumangoy. Puwede mong gamitin ang affiliate marketing para magrekomenda ng gamit – tulad ng swimsuit, tuwalya, at goggles – na dinala mo sa iyong biyahe. Kapag nag-click ang isang mambabasa ng blog sa link sa swimsuit na inirerekomenda mo at pagkatapos ay binili niya ito, kikita ka mula sa blog mo.
Para tiyaking mapapanatili mo ang tiwala ng iyong audience, maging tapat tungkol sa mga ugnayan mo sa affiliate. Sa maraming bansa, isa ring legal na kinakailangan ang paghahayag sa iyong mga ugnayan sa affiliate, kaya tiyaking makipag-usap sa legal na tagapayo bago pumasok sa affiliate marketing. Tandaan din na nauugnay ang reputasyon ng iyong blog sa produkto o serbisyong pino-promote mo, kaya tumuon sa kalidad kapag pumipili ng iyong mga affiliate na partner.
Mga alok na pisikal o digital na produkto: Magbenta para kumita sa iyong blog
Bilang paraan ng pag-monetize sa kanilang mga blog, maraming blogger ang nagtatatag ng presensya sa isang platform ng ecommerce, gumagawa ng online na tindahan, at nagsisimulang magbenta ng mga produkto. Puwedeng pisikal o digital ang iyong mga produkto. Sa halimbawang blog tungkol sa pakikipagsapalarang paglalakbay, puwede kang magbenta ng mga t-shirt na may logo mo o mga digital na guidebook para sa mga kakaibang destinasyon.
Pisikal man o virtual ang iyong mga produkto, kakailanganin mong mag-set up ng system para sa pagtanggap ng mga pagbabayad. Kung pisikal na merchandise ang ibebenta mo, kakailanganin mong pag-isipan ang pag-iimbak sa iyong stock, pagsasaayos sa pagpapadala, at pangangasiwa sa mga buwis at tungkulin. Posibleng hindi ganoon kakumplikado ang logistics para sa mga digital na produkto, dahil puwedeng ihatid ang mga ito sa elektronikong paraan.
Mga Subscription: Mag-charge ng regular na bayarin para magdagdag ng bagong stream ng kita
Kung may aktibong komunidad ang blog mo na talagang interesadong matuto pa tungkol sa iyong paksa, ang modelong bayad na membership o subscription ay isa pang paraan para gamitin ang mahalagang content mo para kumita sa katagalan.
Sa modelo ng negosyong ito, magbabayad ang mga mambabasa ng nakatakdang halaga sa regular na batayan, na karaniwang kada buwan o kada taon. Sa pamamagitan ng pagkolekta ng bayad sa membership o subscription mula sa mga mambabasa sa paraang ito, puwede kang kumita nang regular. Ang ganitong uri ng tuloy-tuloy na daloy ng cash ay nag-aalok ng potensyal para sa mas pirmi, mahuhulaan, at tumpak na stream ng kita.
Kapalit nito, puwede kang mag-alok sa mga subscriber o miyembro ng premium na content, bahaging pangkomunidad, mga resource para sa pag-aaral, mga video, o mga karagdagang serbisyo at tool. Puwede mong pagsama-samahin ang ilan sa mga elementong ito para bumagay sa iyong blog.
Pagtuturo: I-monetize ang iyong blog sa pamamagitan ng pagsasanay
Kung gagamitin mo ang iyong blog para sa mga serbisyo ng pagsasanay, puwede kang kumita sa pamamagitan ng pag-set up at paniningil para sa mga online na kurso o package ng pagtuturo.
Kapag gumawa ka ng mga self-guided na materyal para sa pagtuturo tulad ng mga video o nada-download na ebook, pinapayagan mo ang mga miyembro ng iyong audience na magpatuloy kailanman nila gusto. Habang umuusad ang mga tao sa iyong kurso, puwede mong sukatin ang kanilang interes tungkol sa iba pang paksang sasaklawin.
Sa paggawa ng online na curriculum, puwedeng kailanganin mong maglaan kaagad ng maraming oras at resource, kaya kakailanganin mo ng nakatuong audience para magtagumpay ito.
Ang isa pang opsyon para mapalaki ang iyong kita ay mag-alok ng live na video ng pagtuturo kung saan babayaran ka para sa iyong oras.
Batay man ang iyong alok sa isang online na kurso o on-demand na pagtuturo, puwede ka ring magdagdag ng mga oportunidad na makipag-ugnayan sa iyong mga mag-aaral sa pamamagitan ng email o sa mismong blog mo.
Tandaan, marami kang opsyon para mapagkakitaan ang iyong blog. Puwede kang maging dalubhasa sa isang diskarte sa pag-monetize sa blog, o puwede mong pagsama-samahin at pagtugma-tugmain ang kahit ilang paraan ng stream ng kita para matuklasan kung ano ang pinakaepektibo para sa iyong negosyo. Kung interesado kang matuto pa tungkol sa online na pag-monetize, bisitahin ang aming blog.